Dating DILG secretary Rafael Alunan, pabor na ibalik sa kolehiyo ang ROTC

(Eagle News) — Pabor si dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Rafael Alunan III sa mungkahi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa kolehiyo.

Ayon kay Alunan, 2017 pa ito nakabinbin sa Kongreso kahit pa sinertipikahang Urgent Bill ito ng Pangulo pero hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapasa.

Paliwanag ni Alunan, kailangang-kailangan ang ROTC bilang reserved pool ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil ito dapat ang nagsisilbing pundasyon ng national defense ng Pilipinas.

Maganda aniya ang training sa ROTC dahil binibigyang-diin dito ang patriotism o pagmamahal sa bayan at itinuturo rin ang leadership skills.

Bukod dito, itinuturo rin sa ROTC ang iba’t-ibang basic skills gaya ng tamang paghawak ng rifle, paggamit ng radio at driving, how to operate crew-served weapons at iba pang skills na kailangan para sa isang sundalo.

“Dapat yung mga ROTC graduates taun-taon, pumupunta sa reserve pool ng Armed Forces, pero dahil nawala sila for so many years ay ang laki na ng butas. Ang dami-dami nang problema sa bansa sa external at internal na banta kontra sa Pilipinas at kapag hindi natin pinalakas yung ating AFP, eh ang isang malaking pundasyon ng AFP ay yung ROTC, ay walang mangyayari sa ating national defense,” ayon kay Alunan.