Dalawang opisyal ng PCMC, nais pakasuhan dahil sa kontrobersyal na pagbili ng Dengvaxia

(Eagle News) — Dalawang respondent ang nais pakasuhan ni Public Attorney Office Chief Persida Acosta kaugnay sa makontrobersiyal na pagbili ng dengue vaccine na Dengvaxia.

Sa motion to implead ng PAO laban kina Dr. Raymundo Lo at Dra. Sonia Gonzales, na mga dating opsiyal ng Philippine Children Medical Center, sinabi ng PAO na nais nitong isama sila sa asunto matapos mabunyag na sila ang gumawa ng purchase request upang makabili ng Dengvaxia vaccine.

Aminado ang PAO na kulang ang mga hawak nilang ebidensiya upang tahasang maisampa sa reklamo ang iba pang matatas na tao kaugnay sa kontrobersiya.

Kasabay nito, tinapos na ng DOJ panel ang preliminary investigation sa ikalawang batch sa reklamong kriminal ng mga kaanak ng biktima ng dengue vaccine.

ibig sabihin maglalabas na decision ng panel kung dapat bang kasuhan sa korte ang mga respondents batay naman sa mga dokumento at ebidensiya na isinumite ng magkabilang panig.

Dalawampu’t siyam na reklamong kriminal ang nakabinbin sa DOJ kaugnay sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng bakuna laban sa dengue.

 

https://youtu.be/GWqfaIeUGfw