Dalawang holdaper patay matapos makipagbarilan sa CIDG-Manila; isa sa mga suspek nakatakas

Ni Paolo Macahilas
Eagle News Service

MAYNILA, Metro Manila (Eagle News) – Dead-on-the-spot ang dalawang holdaper matapos umanong makipagbarilan sa mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Lawton, Maynila kamakailan.

Ayon sa biktima na itinago sa pangalang Jane, naglalakad siya pauwi galing sa isang food chain nang bigla siyang tutukan ng baril ng isa sa mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.

“Bigla na lamang pong hinablot yung bag ko tapos may nakatutok na pong baril sa akin, nangatog na po ako sa takot,” pagkwukuwento ng biktima.

Agad naman nagsagawa ng follow-up operation ang mga miyembro ng CIDG-Manila sa area ng Lacson.

Dito nakita nila ang tatlong lalaki na nakasakay sa motorsiklo na ang suot ay nauna nang nabanggit  ng biktima.

Habang sinusundan ng mga otoridad ang motorsiklong sinasakyan ng tatlong suspek ay nakahalata ang mga ito at agad na bumunot ng baril ang back ride saka pinaputukan ang mga humahabol na pulis.

Swerte naman na walang tinamaan sa mga pulis.

“Kaya nagkaroon na ng palitan ng putok”, pahayag ni Police Senior Inspector Jake Arcilla, hepe ng MPD follow-up section.

Nakuha sa mga suspect ang dalawang kalibre .38 baril at ang bag ng biktima.

Patuloy namang hinahanap ng pulisya ang isa pang nakatakas na suspek.