Comelec, pinalawig ang oras ng pagboto sa 2019 mid-term elections

(Eagle News) — Pinalawig ng Commission on Elections (COMELEC) ang oras ng pagboto sa darating na midterm elections sa susunod na taon.

Ayon kay Comelec Spokesperson Director James Jimenez, dinagdagan ng isang oras ang botohan kung saan ginawa na itong mula ala sais ng umaga (6:00 AM) hanggang ala sais ng hapon (6:00 PM).

Ang nasabing pasiya ng ahensiya ay bunsod ng inaasahang pagtaas ng voting population na posibleng umabot sa animnapu’t isang milyon kumpara sa limampu’t walong milyon noong 2016 elections.

Sa kabila naman ng inaasahang pagtaas ng bilang ng mga botante, sinabi ni Jimenez na hindi pa rin magdaragdag ng mga vote counting machines ang ahensiya.