Bong Go may kapalit na bilang assistant ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — May napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na kapalit ni Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go.

Ipinakilala ng Pangulo ang kapalit ni Go sa kanyang naging talumpati sa Philippine Quality Award and Conferment Ceremony sa Malacañang.

Bagamat hindi pinangalanan ni Duterte ang kapalit ni Go, nakilala ito na si Senior Inspector Sofia Loren Deliu na dating contestant ng Miss Earth Philippines beauty pageant.

Si Deliu ay kasalukuyang junior officer sa Philippine National Police (PNP) at miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Inaanak rin siya sa kasal ng Pangulo.

Sinabi ni Go na kapalit niya si Deliu bilang aide at hindi bilang Special Assistant to the President.

Ayon kay Go, naipasa na niya sa iba ang kanyang trabaho bilang SAP.