Barangay kagawad, patay sa pamamaril sa Zamboanga del Norte

Kuha sa mismong crime scene kung saan binaril  ang barangay kagawad na si Roldan Taduc. /Jose Dalman/

JOSE DALMAN, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Natagpuang patay ang isang kagawad ng Brgy. Lipay umaga nitong Biyernes, Enero 19.

Kinilala ang biktima na si Roldan Taduc.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Wynner T. Siling, bandang alas 8 ng umaga nang pauwi na ng bahay ang biktima matapos ihatid ang anak sa eskwelahan nang bigla na lamang itong binaril ng hindi pa nakikilang suspek.

Nagtamo ng tama sa ulo ang biktima na naging dahilan ng kaniyang agarang pagkamatay.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng kapulisan ukol sa pagkakilanlan ng suspek at posibleng motibo ng pamamaslang. (Lady Mae Reluya, Eagle News Service)