Bantang pagpapasara sa Boracay ni Pangulong Duterte, ikinabahala ng mga resort owner

(Eagle News) — Nagpahayag ng pagkabahala ang mga may-ari ng resort sa Boracay sa naging banta ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipasasara niya ang Boracay kapag hindi ito nalinis sa loob ng anim na buwan.

Ayon sa mga may-ari ng resort sa Boracay, naiintindihan nila ang naging pahayag ng Pangulo.

Pero ang banta anila ng Pangulo ay hindi makakaresolba sa mga environmental issue na kinakaharap ng Boracay.

Nitong biyernes sa isang business forum sa Davao City, sinabi ng Pangulo na ipasasara niya ang Boracay kapag hindi ito malilinis sa loob ng anim na buwan.

Inilarawan pa nga ng Pangulo na “tapunan ng basura” ang Boracay.

“Now, during days when I was there, ‘yung basura was just 20 meters away from the beach. It’s destroying the environment or the Republic of the Philippines and creating a disaster coming.I will close Boracay. Boracay is a cesspool,” pahayag ng Pangulo.

Bilang tugon sa pahayag ng pangulo, sinabi ng mga may-ari ng resort na nakahanda silang makipagtulungan sa gobyerno para matugunan ang kinakaharap na problema ng Boracay.

Una rito, ipinag-utos na rin ng Pangulo kay Environment Secretary Roy Cimatu na linisin ang nasabing isla.

Sa Cabinet meeting nitong Pebrero 5, inaprubahan na rin ni Pangulong Duterte ang paglikha ng task force na pangungunahan ng DENR para matugunan ang suliranin sa isla ng Boracay.

2015 pa nang simulan ng DENR ang crackdown sa mga commercial establishment na nakapagdudulot ng polusyon sa tubig ng Boracay.

Sa nakalipas na taon, umabot na sa mahigit dalawang milyong turista ang napaulat na bumisita sa Boracay Island na kilalang tourist destination sa bansa. Aily Millo