Bagong gusali ng Piñan Municipal Police Station, binuksan na

PIÑAN, Zamboanga del Norte (Eagle News) – Binuksan na sa publiko ang bagong gusali ng Piñan Municipal Police Station sa Piñan, Zamboanga del Norte.

Ang pagbubukas ay pinangunahan ni Police Senior Inspector Arcelito Derama. Dinaluhan din ito ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.

Naging panauhing pandangal si Police Senior Superintendent Edwin Sadama de Ocampo, Deputy Regional Director for Administration of PRO-9.

Dumalo rin sa naturang turnover ceremony si Police Senior Superintendent Edwin BC Wagan, Provincial Director Zamboanga del Norte Police Provincial Office.

Ang budget sa pagpapatayo ng naturang gusali ay nagmula sa Philippine National Police (PNP) at umabot ito sa halagang Php 4.8 M.

Ikinatuwa naman ng mga personahe ng Piñan Police ang pagbubukas ng bagong opisina.

Ayon kay Derama, sa pamamagitan  nito ay mas lalo pa nilang pag-iigihan ang paghahatid ng kanilang serbisyo sa mamamayan. Malaking tulong din aniya ito upang lalo pang maging epektibo ang kanilang gampanin.

Elmie Ello – Eagle News Correspondent, Piñan, Zamboanga del Norte

https://youtu.be/8kg15iEpVpE