Bagong district jail ng Brooke’s Point, pinasinayaan

Ni Anne Ramos
Eagle News Correspondent

BROOKES POINT, Palawan (Eagle News) – Pinasinayaan sa bayan ng Brooke’s Point kamakailan ang bagong Brooke’s Point District Jail na matatagpuan sa Brgy. Tubtub sa nasabing munisipalidad.

Ang naturang gusali ay itinayo mula sa inilaang lupa ng pamahalaang lokal ng naturang bayan na ipinagkaloob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pamamagitan ng deed of donation. Ito ay sa bisa ng resolution no. 2017-87 ng pamahalaang bayan na nagkakaloob ng karapatan kay Mayor Mary Jean Feliciano na mag-donate ng bahagi ng lupa na mapagpapatayuan ng bagong district jail.

Ang naturang district jail ay kayang mag-accommodate ng 500 inmates at may kumpetong amenities para sa lahat ng mga detinado.

Sa maikling panahon ay mabilis itong natapos dahil sa pagtutulungan ng LGU at BJMP na siyang nagpondo para sa konstruksyon.

Ito ay bahagi ng proyekto ng Pangulong Rodrigo Duterte na BJMP Decongestion Program upang maibsan ang suliraning kinakaharap ng maraming piitan. Ito ay dahil sa lumulobong populasyon ng mga detinado lalo higit ng magsimula ang operasyon kontra droga ng pamahalaan.

Samantala, nagpahayag naman ng kasiyahan si Executive Judge Ramon Chito Mendoza na sa nalalapit na panahon ay maililipat na ang nasa halos 300 na mga PDL (persons deprived of liberty) na nasa Branch 165 Brooke’s Point, ang hurisdiksyon ng paglilitis ng mga naisampang kaso.

Sapagkat ang mga naturang akusado ay nasa pangangalaga ng panlalawigang piitan na nakabase sa Puerto Princesa City kung kaya kinakailangan pang ibyahe nang malayo ang mga ito para sa nakatakdang schedule ng paglilitis ng mga kaso.

Dagdag pa ni Judge Mendoza na dapat bigyan umano ng pansin ng lokal na pamahalaan ang mga PDL para sa maluwag at maayos na piitan sapagkat komunidad ang nagbebenipisyo sa seguridad at kaligtasan nito.

Dumalo sa inagurasyon si BJMP Mimaropa Reg. Dir. JSSupt. Revelina Sindol, Provincial Jail Administrator JCInsp. Lino Soriano at Brooke’s Point Mayor Mary Jean Feliciano bilang panauhing pandangal sa naturang okasyon.

Nagpahayag ng pasasalamat ang pamunuan ng BJMP kay Mayor Feliciano at sa mga konsehal ng bayan na hindi nagdalawang isip na magpasa ng resolusyon na maglaan ng lupa sa BJMP upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng piitan at matugunan ang kalagayan ng mga bilanggo.