Away pulitika, sinisilip na dahilan sa nangyaring ambush sa Mayor at Vice Mayor ng Balaoan, La Union – PNP

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Sinimulan na ng binuong special investigation task group ang imbestigasyon sa pananambang kahapon sa mag amang Mayor at Vice-mayor ng Balaoan, La Union.

Patay sa ambush si Vice Mayor Alfred Conception habang nakaligtas naman ang anak nitong si mayor Aleli Conception matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Ayon sa PNP, wala pang mga persons of interest sa krimen, pero maaari daw silang magkaroon nang lead oras na makausap na nila ang nakaligtas na alkalde na patuloy pang nagpapagaling sa ospital

“Una she is heavily guarded. Binigyan na ng security and hopefully maidentify nya yung assailants. As ofthis time sabi ng RD out of danger naman sya. So hopefully maidentify nya itong assailants,” ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde.

Hindi naman daw kasama ang mag-ama sa listahan ng mga pulitiko na sangkot sa illegal na droga.
Kaya malaki raw ang posibilidad na politically motivated ang nangyaring pananambang.

Lalo na’t kasama ang probinsya ng La Union sa mga lugar na binabantayan dahil sa intense political rivalry.

“Tinitingnan natin kasi may mga incidents lalo na sa La Union I think with probably well for obvious reasons yung La Union will be included in the hotspots during the elections. We just don’t know if Comelec will decide on to have a control doon sa election doon,” ayon sa opisyal

Samantala, sinisilip din ng PNP ang posibilidad na nagamit sa ambush ang mga natitirang miyembro ng Peralta Group na naaresto kamamailan ng PNP Anti-Kidnapping Group.

“Wala tayong evidence that will connect the group of Ric Peralta dito sa incident na nangyari sa La Union pero in the previous years kasi may mga incidents nainvolved sila sa provinces of Pangasinan, La Union, Cagayan, Tuguegarao, yan ang mga playground nila. Even in Metro Manila and as far as Laguna.

Patuloy naman ang pagtugis sa lider ng grupo na si Ricardo Peralta na may patong na sampung milyong pisong reward.