Apat na katao patay sa vehicular accident sa boundary ng Itogon-Bokod, Benguet; walo pa sugatan

Litrato ni Freddie Rulloda/Eagle News Service/

Ni Freddie Rulloda
Eagle News Service

BAGUIO CITY, Benguet (Eagle News) – Patay ang apat na katao habang sugatan naman ang walo pang indibidwal matapos mahulog sa malalim na bangin ang isang van sa Sitio Guesset, boundary ng Tinongdan, Itogon at Bokod, Benguet Huwebes ng gabi, Abril 19.

Dead on the spot sina Gemalyn Lorenzo, 28; Julie Valencia, 52; at Antonio Bulay, 65.

Dead-on-arrival naman sa pagamutan ang isa pang biktima na kilalang si Alfredo Bulay.

Nagpapagaling pa sa Baguio General Hospital and Medical Center ang walong sugatan.

Ayon kay Police Chief Inspector Eugene Raymundo ng Itogon PNP, ang naturang van ay papunta sa Madella Quirino para dumalo sa isang reunion at kasal nang maganap ang aksidente.

Ayon sa salaysay ng mga nakaligtas na biktima, habang minamaneho umano ng driver na si Joseph Gavino ang van ay bigla na lamang itong nawalan ng kontrol sa manibela hanggang magtuloy-tuloy at mahulog na ito sa bangin na may halos sampung metro ang lalim.

Nagsama-sama at nagtulong-tulong namang i-ahon ang mga biktima sa pagresponde ng mga otoridad at mga volunteer rescuer sa lugar na pinangyarihan ng insidente.