Alyas ‘Kamah’ at 4 na iba pang suspek sa Jolo bombing nasa kustodiya na ng SITG

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Nasa kustodiya na ng Special Investigation Task Group Mt. Carmel, ang pangunahing suspek sa Jolo bombing na si Kammah Pae alyas ‘Kamah’ matapos itong mapilitang sumuko sa militar nitong weekend.

Sumuko na rin sa mga awtoridad ang apat na iba pang kasamahan ni Kamah na pawang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group Dawlah Islamiah na kinabibilangan nina Sait Ali alyas Popong at ang mag-aama na sina Albaji Kisae gadjali alyas Awag, Kaisar Bakil Gadjali alyas Isal at Rajan Bakil Gadjali alyas Radian.

Sumuko umano ang mga suspek matapos na mapressure sa patuloy na opensiba na isinasagawa ng militar sa laban sa ASG.

Base sa mga nakuhang impormasyon ng SITG Mt. Carmel sa mga suspek.

Enero 8 nang bumili ng mga sangkap sa paggawa ng bomba sa hardware sa Jolo, Sulu si alyas Popong at isang alyas Puti.

Enero 24 naman nang sunduin ng mga suspek sa isang gasoline station sa Jolo ang mag-asawang Indonesian bomber at dinala sa bahay ni alyas Usman sa Brgy.Anuling sa Patikul, Sulu, ayon sa pulisya.

Dinala rin ng grupo ang mag-asawa sa  Brgy. Bastiong kung saan iniharap ang mag-asawang bomber kay ASG leader Hatib Sawajaan kung saan umano pinalantsa ang planong pambobomba.

Enero 26 naman ng dalhin ang mag-asawang bomber kasama ang mga myembro ng ASG, sa Suleco sa Jolo, Sulu at nagpalipas ng magdamag sa bahay ng isang Mrs. Usman.

Kinabukasan, Enero 27 doon na nangyari ang pagsabog na pinaniniwalaan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines na insidente ng suicide bombing.

Ayon kay Albayalde, isang taon na pinaplanuhan ang pag-atake.

Sa ngayon, patuloy na hinihintay ang resulta ng DNA test na isinagawa sa mga parte ng katawan na natagpuan sa blast site para makumpirma na pag aari ito ng dalawang Indonesian bomber.

Iniimbestigahan din ng SITG Mt. Carmel kung paano nakarating sa Mindanao ang mag-asawang bomber at kung saan galing ang pondo na ginamit sa pambobomba.

Samantala, labing apat na suspek pa ang kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad kasama na ang mastermind at ASG leader na si Hatib Sawajaan.