Abu Sayyaf sub-leader, sugatan sa engkwentro sa Sulu

Ni Jun Cronico
Eagle News Correspondent

PATIKUL, Sulu (Eagle News) – Habang patuloy na tinutugis ng mga tropa ng 32nd Infantry Battalion ang ilan pang natitirang kidnap victims ng Abu Sayyaf sa Sulu. Muling nagkasagupaan ang tropa ng militar kontra limang miyembro nito na pinamumunuan ni ASG Subleader Walton Juljirin. Ito ay matapos makapagbigay ng tip sa militar ang ilang sibilyan ukol sa kinaroroonan ng mga bandido.

Ayon sa ilang source, ang mga bandido ay kabilang sa mga nakaengkuwentro ng militar kamakailan lamang sa Patikul. Ayon pa sa kanila, nagtatago sa Sitio Kan Bading, Brgy. Taung, Patikul, Sulu habang nagpapagaling ng mga sugat na natamo sa kanilang naging engkuwentro sa militar.

Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Commander ng JTF Sulu, nahuli si ASG Subleader Juljirin habang isinasagawa ang clearing operation ng militar sa nasabing lugar.

Narekober din ang isang Cal 7.62 FN-FAL G1 rifle, mga bala, magazines, hinihinalang IED at dalawang granada.

Ang grupo ni Juljirin ay nasa ilalim din ng grupo ng ASG Subleader Mundi Sawadjaan (pamangkin ni ASG Subleader Hajan Sawadjaan). Ang grupo ni Juljirin ang responsable sa serye ng pambobomba sa mga highway ng Patikul, Sulu.

Ayon naman kay Gen. Carlito Galvez, hepe ng Wesmincom, sila rin ang liquidation squad ng grupo ni Sawadjaan.

Batay sa tanggapan ng WesMinCom, mula Enero hanggang Marso 30 ng taong ito ay umaaabot na sa 84 ASG ang naneu-neutralize ng tropa ng Joint Task Forces ng WesMinCom.

Sa bilang na ito 60 katao na ang sumuko sa tropa ng militar habang 13 na ang naaresto at 11 naman ang napatay sa bakbakan. Prayoridad ng militar na ma-rescue pa ang natitirang mga bihag ng Abu Sayyaf. (Eagle News Service)