Ilang drug personalities, arestado sa Pampanga


Ni Ener Ocampo
Eagle News Service

MABALACAT CITY, Pampanga  – Arestado ang ilang drug personalities sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Barangay Camachiles, Mabalacat City, Pampanga.

Kinilala ang mga naaresto na sina Alfredo Bermudo, Jr., residente ng Brgy. Dau; Melquiades Carlos, taga-Brgy. Dau; Jassen Rashid, taga-St. Jude Village, San Fernando; Marvin Panlican, taga- Brgy. Camachiles; Dennis de Guzman, taga-Brgy. Dapdap; Ricardo Santos, taga-Brgy. Bical; at Jose Arcilla, taga-Brgy. Camachiles.

Apat sa mga naaresto ay mga dating surrenderee ng Oplan Double Barrel ng Philippine National Police (PNP) na muling nagbalik sa kanilang dating gawain.

Nagpanggap na poseur-buyer ang isa sa mga pulis at pagkatapos makabili ng isang plastic sachet na pinaniniwalaan naglalaman ng shabu mula sa mga suspek ay agad na sinalakay ng mga back-up team ng mga pulisya ang bahay ng isang suspek at inaresto na sila.

Nakakuha ang mga pulis sa mga suspek ng 17 piraso ng plastic sachet na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu, mga drug paraphernalia at Php 500 marked money na naibayad sa mga suspek.

Tinatayang nagkakahalaga ng Php 15,000 street-value ang mga nakumpiskang shabu ayon sa mga pulis.

Nakakulong ngayon sa Mabalacat Police Station ang mga naarestong drug suspect at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act o RA 9165.