1 PCP commander, 6 na tanod, arestado dahil sa pangingikil sa Taguig City

(Eagle News) — Arestado sa entrapment operation ng Philippine National Police-Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) ang anim na barangay tanod at isang opisyal ng pulis sa West Bicutan, Taguig na umano’y nagpapanggap na mga pulis upang makaextort ng pera sa isang isang pahinante at kasama nito nitong Biyernes.

Kinilala ang mga suspek na sina Senior Insp. Cesar Espejo, 34, precinct commander; ang mga miyembro ng Barangay Security Force na nakaassign sa Western Bicutan na sina Reggie Adrales, 29; Bobby Tejero, 43; Rolly Barcelo, 41; Antonio Bontia, 51; Antonio Bag-Ao, 44; at ang kanilang kasama na si Stephanie Villanueva.

Pinaghahanap pa rin si Marcelino Pedronio, ang isa pang miyembro ng BSF na nakatakas.

Naaresto ang pito matapos ireklamo ng asawa ng pahinante ng truck na umano’y inaresto siya at ang kaniyang kasamang driver dahil sa umanoy kaso ng illegal na droga.

Hinihingan umano ng grupo ang mga pamilya ng nadakip ng P50,000 kapalit ng kalayaan ng mga ito.

Bumaba ito sa P6000 matapos ang ilang negosasyon.

Nakipagkita ang mga suspek sa asawa ng pahinante sa Sto. Nino Hospital sa Taguig City kung saan sila naaresto ng mga operatiba ng CITF matapos mangyari ang bayaran.

Sa imbestigasyon ng CITF, lumalabas na pinalaya ng mga suspek ang driver ng truck matapos na makapagbayad ito ng tatlong libong piso.

Kusang loob namang sumuko si Espejo na aminadong kasabwat ng mga suspek.

Giit niya,  limang libong piso ang napunta sa kanya habang 25 libong piso ang pinaghatian ng mga suspek.

Sinampahan na ang mga suspek ng kasong kidnapping, usurpation of authority at illegal possession of firearms habang nahaharap din sa kasong administratibo si Espejo na sinibak na sa pwesto.

(Eagle News Service, Mar Gabriel)