65 magsasaka sa Laguna, binigyan ng Certificate of Land Ownership Award ng DAR

Ni Willson Palima
Eagle News Correspondent

NAGCARLAN, Laguna (Eagle News) – Matapos ang mahigit na 30 taon paghihintay kaugnay ng patuloy na ipinaglalaban ng mga magsasaka sa Laguna ay ipinagkaloob ng pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang may 65 titulo, certificate of land ownership award (CLOA) sa lahat ng mga agrarian reform beneficiaries (ARB) sa Nagcarlan, Laguna kamakailan.

Ipinagkaloob ng mga nabanggit na bilang ng mga titulo sa mga magsasaka na sinaksihan ni DAR Undersecretary Bernie Cruz, mga lokal na opisyal, pamunuan ng Agrarian Reform sa Calabarzon, at ng Land Bank.

Ayon kay DAR Usec. Bernie Cruz, bahagi ito ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng DAR sa buong bansa para matulungan ang maliliit na magsasaka. Dapat lamang aniya nila itong ingatan at pagyamanin para maging kapaki-pakinabang sa kanilang pamilya.

Sinabi ni Cruz na ang mga lupaing ito ay hindi puwedeng ibenta o isanla habang hindi pa ito bayad na tatagal ng 10 taon. Mahigpit aniyang ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta o pagsasanla ng mga lupang ipinagkaloob ng gobyerno, kung saan dadaan pa rin ito sa tamang proseso.

Base sa talaan ng DAR, umaabot sa 43,387 ektarya ng lupang sakahan ang ipinagkaloob sa may 65 bilang ng mga beneficiaries na nagmula pa sa bayan ng Nagcarlan, Kalayaan, Sta. Cruz, Sta. Maria, Calauan, Magdalena at Calamba City.

Ipinaabot din ni Cruz sa lahat ng mga magsasaka na magtanim ng gulay sa tamang panahon para hindi na maulit pa ang nangyari sa Kalayaan, Laguna matapos matambak at halos hindi na mabenta ang sobrang ani ng kamatis.

Kaugnay nito, nagpaabot naman ng kanilang pasasalamat kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa pamunuan ng DAR ang dalawa sa 65 beneficiaries na sina Brgy. Kagawad Victoria Urriza at Mary Velina makaraan ang mahigit 30 taon na pakikipaglaban ng mga ito at ang mahabang paghihintay dahil nasa kanila ng pag-aari ang lupa nilang sinasaka.

“Maraming maraming salamat po kay Pangulong Rodrigo Duterte… ang amin pong pangarap na magkaroon ng sariling lupang sakahan ay natupad na. Maraming marami pong salamat at pati na rin po sa ting DAR Secretary at sa bumubuo po ng DAR”, pahayag pa ni David Lizardo, isang magsasaka.