6 patay, 19 sugatan sa aksidente sa Taytay, Rizal

TAYTAY, Rizal (Eagle News) — Tinatayang aabot sa anim katao ang namatay, habang 19 ang sugatan matapos araruhin ng isang 10-wheeler trailer truck ang walong tricycle at hanay ng mga stall ng tindahan sa Dolores road sa Taytay, Rizal.

Kuhang-kuha sa CCTV video ang pagsalpok at pag-araro ng isang 10-wheeler truck sa mga tricycle at mga tindahan sa Dolores Road, Brgy. Tikling, Taytay, Rizal noong Sabado, Hunyo 17.

Maraming tao sa nasabing lugar nang mga oras na iyon kung kaya’t marami ang nadamay. Sa kabuuan, anim ang nasawi sa nasabing insidente kabilang ang  dalawang taong gulang.

Makikita din sa cellphone video ng isang residente sa lugar na may nakuha pang isang babae ang mga rescue team sa ilalim ng trailer truck ilang minuto matapos mangyari ang aksidente.

Ayon sa mga nakasaki, nawalan umano ng kontrol ang 10-wheeler truck sa pababang bahagi ng kalsada ng Dolores Road kaya tuloy-tuloy na bumulusok pababa ang truck kung kayat naararo nito ang ilang tricycle at mga establishemento sa lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, iniwasan muna diumano ng truck ang dalawang tricycle, kinabig ng truck driver ang manibela kaya naararo ang nasa pitong tricycle na nakaparada sa kalsada, mabuti na lamang ay bumangga ito sa puno.

Kinilala ang mga nasawi na sina:

  • Luis Bustamante, 59 years old
  • Ma. Remedios Apejas, 16 years old
  • Rolando Ricafort, 47 years old
  • Teresita Bonaobra, 64 years old
  • Mary Gimpis, 33 years old
  • Princess Gimpis, 1 year old

Ang 19 sugatang biktima naman ay kasalukuyang pa ring ginagamot at nagpapagaling sa Taytay Emergency Hospital at Manila East Medical Center.

Ayon sa Taytay PNP umamin ang driver na si John Paul Teston na nawalan ng kontrol ang minamaneho nitong truck kung kaya’t nangyari ang aksidente.

Samantala, patung-patong na kaso naman ang kahaharapin ng driver gayundin ang kumpanya dahil sa insidente. Kakasuhan ito ng reckless imprudence resulting to multiple homicide, multiple physcial injury at damage to property.

( EARLO BRINGGAS – Eagle News Correspondent)