50 katao na lumabag sa city ordinance, arestado sa Maynila

(Eagle News) — Aabot sa higit limampung katao na pawang mga lasing, mga nagsusugal ang dinampot at dinala ng mga pulis sa Manila Police District (MPD) Station 6 matapos magsagawa ng one time, big-time operation na Oplan Galugad sa area ng San Andres Bukid at Punta Sta Ana, Maynila noong Linggo ng gabi, Agosto 13.

Pagdating sa presinto, ang ilan sa mga hinuli nakatulog na habang ang iba ay kani-kaniyang takip ng mukha at nagkumpulan sa isang tabi nang makitang nakatutok ang mga camera.

Kwento ni Joey Baquiran, nag-uumpisa pa lang siyang uminom sa labas ng bahay kasama ang kanyang pamangkin upang icelebrate ang kaarawan nito nang dumating ang mga pulis. Hindi umano niya alam na bawal uminom sa pampublikong lugar.

Ayon sa barangay tanod ng Barangay 793 sa Maynila na si Armando Barca, makailang beses na umanong sinabihan ng chairman ng kanilang barangay ang kanilang mga nasasakupan na bawal uminom sa tabing kalsada o eskinita  ngunit patuloy pa rin sa pagsuway ang mga ito

Sakali namang mapatunayang hindi ito ang unang pagkakataong sila’y nahuli, makukulong ang mga ito. Agad namang pinalaya ang first time offenders.

(Eagle News Service Paulo Macahilas)