5 katao, pinangambahang dinukot sa Zamboanga Del Norte

SIRAWAI, Zamboanga Del Norte (Eagle News) — Limang kalalakihan ang naiulat na nawawala at pinangangambahang dinukot sa bulubunduking bahagi ng Sirawai, Zamboanga Del Norte.

Ayon kay Sr. Supt. Raul Tacaca, pinuno ng Zamboanga Del Norte Police Provincial Office, kinilala ng kanilang mga kaanak ang mga nawawala na sina Jojo Mantangan, Roger Jongan, Reymon Furesima, Jemar Maglangit at Mario Ungok, pawang mga reisdente ng Barangay San Vicente.

Umakyat umano ng kabundukan ang lima noong Sabado, March 3, upang magputol ng punong-kahoy gamit ang chainsaw kahit walang permit ang mga ito.

Hanggang sa ngayon, hindi pa nakakabalik sa kanilang lugar ang mga kalalakihan.

Pangamba ng kanilang mga kaanak, posibleng dinukot ang mga ito kaya’t nagpasya silang ireport na sa mga pulis ang pangyayari.