48 karton ng smuggled na glutathione, nasabat sa NAIA

MANILA, Philippines (Eagle News) — Apatnapu’t walong karton ng glutathione at iba pang produktong pampaganda ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagkakahalaga ang mga kontrabando ng P8.5 milyon  matapos na ideklara ito ng consignee na si James Hulasan bilang personal effects.

Ayon kay Customs Commissioner Isidro Lapeña, ang mga kontrabando ay mula sa Bangkok, Thailand.

Ang mga nasabing produkto ay kadalasang ibinibenta online at hindi aprubado ng Food And Drug Administration (FDA).

Tiniyak naman ng Customs chief na mahaharap sa kaso ang consignee at ilan pang indibidwal na mapapatunayang lumabag sa anti-smuggling law.