4 na local brands ng tsokolate mula Mindanao kalahok sa Int’l Chocolate Festival sa France at US

 

DAVAO CITY, Davao del Sur (Eagle News) – Apat na local brands ng tsokolate mula sa Mindanao ang napabilang sa gaganaping International Chocolate Festival sa France at Estados Unidos.

Ito ay ang Malagos chocolates, Nutrarich Davao Fine Table, Rosario’s Davao Artisanal Chocolates na pawang mula sa Davao City, at ang tsokolate mula sa Kablon Farms na mula naman sa South Cotabato.

Ayon sa Cacao Industry Development Association of Mindanao Incorporated, magandang oportunidad ito upang maipakita sa mundo ang mga de-kalidad na tsokolate ng Pilipinas.

Pagkakataon na rin umano ito upang mabuksan ang pinto ng oportunidad sa mga local chocolate producers na makapasok sa European market.

Ipinagmalaki pa ng grupo na tanging 15 bansa lamang ang naimbitahan na lumahok sa naturang international event. (Eagle News Service)