4 na drug suspek, arestado sa buy-bust operation sa Baguio City

(Eagle News) — Arestado ang 4 na drug suspek sa buy-bust operation ng pinagsanib na pwersa ng Baguio City Police Office at PDEA Cordillera sa Lower Rock Quarry, Baguio City.

Nakilala ang mga suspek na sina Michael Dumagcao,Alberto England, John Michael Garcia, at Louie Clemente.

Ayon kay Chief Supt. Edward Carranza, Regional Director ng PNP Cordillera, nanlaban pa sa mga awtoridad ang mga suspek nang mahalata nila na mga pulis ang kanilang ka-transaksyon.

Pinaputukan umano ng mga suspek ang mga operatiba at mabilis na tumakas sakay ng kanilang SUV.

Agad naman silang naharang ng police mobile na binangga pa ng mga suspek.

Pero nabigo nang makausad pa ang mga suspek makaraang maipit sa metal railings sa kalsada.
Dito na sila nasukol at inaresto ng mga awtoridad.

Wala namang nasugatan sa panig ng mga suspek at mga operatiba.

Narekober mula sa mga suspek ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu, isang Cal. 9mm pistol magazine at mga bala.

Narecover din ang dalawang cellphone na ginamit sa pakikipag transaksyon.

Nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act at illegal possession of firearms. (Mar Gabriel)