3 hinihinalang miyembro ng gun-for-hire, patay sa engkuwentro sa Quezon City

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Tatlong hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group ang patay makaraang maka-engkuwentro ang mga pulis sa Payatas, Quezon City.

Sa inisyal na report mula sa Quezon City Police District (QCPD), nakarating sa kanila ang impormasyon hinggil sa plano ng apat na hinihinalang hitman na targetin ang kanilang bibiktimahin sa lungsod.

Agad na kumilos ang mga tauhan ng QCPD City Hall Special Traffic Action Group (STAG) para maharang ang plano ng grupo.

Alas 2:10 ng madaling araw kanina, Mayo 2 nang mamataan ang apat na lalaking sakay ng motorsiklo sa isinasagawang Oplan Sita sa kahabaan ng Payatas Road, Brgy. Payatas B.

Nang papalapit na sa checkpoint, humarurot ang dalawang motorsiklo at pinaputukan ang mga otoridad.

Agad namang gumanti ng putok ang mga pulis dahilan para masawi ang tatlo sa mga suspek habang ang isa ay nasugatan at ginagamot sa ospital.

Nakuha sa kanila ang tatlong baril at ang ginamit nilang dalawang motorsiklo.