24 na barangay sa Maynila, idineklara nang drug-free 

MANILA, Philippines (Eagle News) — Dalawampu’t-apat na barangay sa Maynila ang idineklara nang drug-free o malinis na kontra ilegal na droga.

Ayon kay Manila Police District Director Chief Supt. Joel Coronel, dumaan sa masusing pagsusuri ang mga barangay para malaman kung wala na ang kalakaran ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.

Ilang sa mga parameter na inilatag ng Dangerous Drugs Board upang madeklarang drug-free ang isang barangay ay ang kawalan doon ng drug transshipment activity, transshipment activity, mga laboratoryo ng droga at kawalan ng mga drug pusher at addict.

Ipinagmalaki rin ng MPD na nagbunga na rin ang kanilang kampanya na labanan ang paglaganap ng droga sa Maynila.

Buwan-buwan na gagawin ng MPD ang evaluation sa dalawampu’t-apat na barangay upang masigurong mapanatili ang drug-free status.

Sinabi ni Coronel na may pananagutan ang mga opisyal ng barangay sa MPD sa oras na bumalik muli ang drug trade at drug pusher sa mga drug-free barangay.

Nasa kamay rin aniya ng mga barangay ang pagpapatupad ng mga programa na nakatulong sa pagkawala ng droga sa kanilang nasasakupan.

Aminado ang mga kapitan ng barangay na napasama sa drug-free list na malaking hamon sa kanila na mapanatili ang bagong katayuan.

Sa kabila nito, naniniwala ang mga opisyal na epektibong makakatulong ang kanilang mga programa nang naipatupad.

Target ng lokal na pamahalaan ng Maynila na maabot ang sampung porsyento na mga barangay ang maituturing nang drug-free.

Nasa mahigit walongdaang barangay ang nasasakupan ng Maynila.

https://youtu.be/5yFID_tH-pc