22-wheeler truck, inararo ang ilang sasakyan sa Batasan-San Mateo road; 5 katao kumpirmadong patay, 10 sugatan

BATASAN, Quezon City (Eagle News) — Lima katao ang kumpirmadong patay matapos araruhin ng isang trailer truck ang ilang sasakyan sa kahabaan ng San Mateo Road sa Barangay Batasan Hills, Quezon City, nitong Huwebes, Oktubre 26.

Dalawang kotse, isang pampasaherong jeepney, isang tow truck at isang motorsiklo ang niragasa ng 22-wheeler truck na minamaneho ng driver na nakilalang si Nilo Calimutan pasado alas kwatro ng hapon.

Isa sa mga nasawi sa insidente na naipit sa tumagilid na truck ay isang empleyado ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Hindi naman bababa sa sampung katao ang sugatan sa insidente.

Kaagad naman silang dinala sa pinakamalapit na ospital.

Kabilang dito ang kasamang pahinante ng trailer truck.

Sa inisyal na imbestigayon ng Quezon City Police District Station 6, nawalan ng control ang driver ng truck matapos na magkaproblema ang preno nito.

Galing umano sa pier ng Maynila ang truck na patungo sana sa San Mateo, Rizal upang magdeliver ng mga bakal nang mangyari ang insidente.

Ayon sa  traffic sector ng QCPD Station 6, ayon  sa driver ay naubusan ang kaniyang airbrake kaya nakuha pa nitong iparada sa gilid ng kalsada ang sasakyan.

Pinakalsuhan din umano niya ito sa kaniyang pahinante, ngunit dahil sa palusong ang kalsada ay hindi ito kinaya ng truck, kung kaya nagtuloy-tuloy ito at niragasa ang mga sasakyan.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng truck, na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries at damage to property.