20 miyembro ng komunistang grupong New People’s Army, sumuko sa Laguna

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

(Eagle News) — Kusang loob na sumuko sa CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon) police sa Kalayaan, Laguna nitong weekend ang dalawampung myembro ng New People’s Army na kabilang sa tribong Dumagat.

Isinurender din nila sa mga otoridad ang 12 unit ng high powered firearms, mga bala at ilang granada.

Nagpasya umano silang sumuko dahil sa hirap ng kanilang sitwasyon sa bundok.

“Kami po ay nag-surrender sa mga kapulisan dahil sa kabutihan ng ating mahal na pangulo na marami po kaming nalaman na natulungan niya kaya po kami nagpursige dahil sa hirap na naranasan po namin sa bundok na akala namin ay tama yung aming mga pinaglalaban pero sa bandang huli nung aming malaman ay walang patutunguhan yung aming pinaglalaban at hindi namin alam kung sino ang pinaglalaban namin,” pahayag ng isa sa mga sumukong NPA member na si Ka Ruben.

Ayon kay Philippine National Police chief Oscar Albayalde, makakatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang mga sumukong rebelde sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng gobyerno.
“Maliban doon sa mga equivalent na baril na cash equivalent, meron pa silang livelihood bago pa sila ma-integrate sa society ulit. Yung mga firearms hindi bumababa na P100,000 and also in addition, yung local governor ng Laguna pledged also additional P15,000 each for all the surrenderees. Another livelihood of a minimun of P50,000,” ayon kay Albayalde.

Ibinunyag naman ng mga dating rebelde na patuloy ang isinasagawang recruitment ng NPA sa mga estudyante.

Noong nasa bundok sila, madalas daw na may mga estudyante na mula sa University of the Philippines (UP) at Polytechnic University of the Philippines (PUP) na sumasama sa kanila.

“Merong nagpaparecruit sa kanila at intel po nila, mga intelligence, pinapupuntahan sa mga bahay nila. Hihikayatin sila. Kung baga sa dalaga liligawan sila hanggang makuha ang loob tapos kapag hindi pumayag doon nila kukuhanin sa dahas,” pahayag ni Ka Ruben.

Patuloy naman daw na minomonitor ng ng CALABARZON police ang isinasagawang recruitment ng mga rebelde partikular na sa hanay ng mga estudyante.