20 gramo ng shabu, nakumpiska sa isang dating konsehal ng Dipolog City


ZAMBOANGA del Norte (Eagle News) — Sa isinagawang joint drug buy bust operation ng Dipolog City Drug Enforcement Unit, PDEA-Zamboanga del Norte, at Provincial Highway Patrol Team, nakumpiska ang 20 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P100,000 mula sa isang dating konsehal ng Dipolog City sa may Brgy. Biasong, ng Dipolog City.

Kinilala ang suspek sa pangalang Joseph Atilano Herrera, 61 taong gulang, residente ng nasabi ring lugar, dati ring PBA player at high value target level 2 sa ilalim ng Coplan Durian 11.

Nakumpiska mula kay Herrera ang 11 pakete ng hinihinalang shabu, P500 na buy bust money, at cash na P1,170. Tinatayang aabot sa P120,000 ang street value ng naturang droga.

Samantala, nasa kostudiya ngayon ng Dipolog City Police Station ang nasabing suspek at inihahanda na ang kasong isasampa na R. A. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 . (Lady Mae Reluya – Eagle News Correspondent, Zamboanga)