2 nahuli sa shabu buy-bust operation sa Tarlac

buy bust00001
Sina Siguin at Ylarde, na nahuli sa mga buy-bust operation na ikinasa ng mga awtoridad sa Tarlac kamakailan.

GERONA, Tarlac (Eagle News) — Dalawang magkasunod na buy-bust operation ang isinagawa ng mga awtoridad sa Tarlac, na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang lalaki na umano’y tulak ng shabu.

Kinilala ang mga nahuli kamakailan na sina Joselito Guerrero Siguin, 57, at Tito Batin Ylarde, 41.

Kapwa naaresto sina Siguin at Ylarde matapos bentahan nila ng iligal na droga ang mga police poseur-buyer sa Barangay Abagon, Gerona.

Sina Police Supt. Franklin Estoro, hepe ng PNP Gerona, at Police Inspector Joel Natalicio Gamboa ng Station Drug Enforcement Unit, ang nagkasa ng mga buy-bust operation matapos makipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency.

Nakumpiska sa dalawang suspek ang tig-dalawang plastic sachet ng shabu at tig-isang P500 peso bill marked money na ginamit sa mga buy-bust.

Sina Siguin at Ylarde ay nahaharap sa kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Kapwa sila ngayon nakapiit sa Gerona detention cell. (Eagle News Correspondents Godofredo Santiago and Aser Bulanadi)