2 dating sundalo, arestado sa buy-bust operation ng PDEA sa Zamboanga City

Sina Rodolfo Giovanni Haron alyas Kon-kon, dating miyembro ng Philippine Army, at Muin Jumadil alyas Mike na dating tauhan naman ng Philippine Marines /PDEA 9/

Ni Jun Cronico
Eagle News Service

ZAMBOANGA CITY (Eagle News) – Hindi nakaligtas sa ikinasang drug buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office-9 ang dalawang dating sundalo na pinaniniwalaang nagbebenta ng mga illegal na droga malapit lamang sa kanilang tirahan sa Brgy. Upper Calarian, Zamboanga City.

Pinangalanan ni PDEA-9 Regional Director Lyndon Aspacio ang mga naaresto na  sina Rodolfo Giovanni Haron alyas Kon-kon, dating miyembro ng Philippine Army, at Muin Jumadil alyas Mike na dating tauhan naman ng Philippine Marines.

Nakumpiska sa kanila ang walong pakete ng sachet na umano’y naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng Php 4,000.00 bawat pakete at Php 300 na ginamit ng mga operatiba bilang buy-bust money.

Ang mga kapatid na Jimhar at Jawia Rajik na naaresto sa isang drug buy-bust operation sa Brgy. Latabon, Siocon, Zamboanga del Norte

Kasabay nito naaresto din sa isang drug buy-bust operation ang mga kapatid na sina Jimhar at Jawia Rajik kapwa nasa legal ang edad nito sa Brgy. Latabon, Siocon, Zamboanga del Norte.

Nabawi sa magkapatid ang dalawang pakete ng shabu na nagkakahalaga ng Php15,000 at ang Php500 pesos na ginamit ng mga otoridad bilang drug buy-bust money.

Ang apat ay sabay-sabay na kinasuhan sa Regional Trial Court ng Zamboanga ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ng Republic Act 10591.