2 dating pulis patay sa magkahiwalay na operasyon sa Batangas

BATANGAS CITY, Batangas (Eagle News) – Patay ang dalawang dating pulis sa Batangas matapos ang magkahiwalay na police operation laban sa kanila ng mga awtoridad kamakailan.

Sa Laurel, Batangas, dead on arrival ang dating pulis na nakilalang si Rolando Rodriguez, Jr.

Ayon sa report, maghahain sana ng warrant of arrest kay Rodriguez ang Provincial Special Weapons and Tactics Team at ang Laurel Philippine National Police nang paputukan ng suspek ang mga awtoridad sa loob ng kanilang bakuran.

Si Rodriguez ay sinasabing isang gun for hire na may nakabinbin na mga kaso ng murder at frustrated murder.

Agad namang gumanti ng putok ang mga awtoridad, na ikinabagsak ng suspek.

Sa Batangas City naman, patay rin ang isang dating pulis matapos itong manlaban sa isang buy-bust operation.

Dead on arrival din sa ospital ang suspek na nakilalang si Francisco Bacayo alyas Bacs.

Ayon sa awtoridad, nagkaroon ng transaction ang suspek at isang pulis na poseur buyer.

Nang magtagpo ang dalawa ay nakatunog umano si Bacayo na pulis ang kaniyang katransaksyon at kaagad niya itong pinaputukan.

Gumanti ng putok ang poseur-buyer at bumulagta ang suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 5 sachet ng hinihinalang shabu, isang kalibre .45 baril at magazine, at isang basyo ng caliber 9mm.

Sa ospital naman na pinagdalhan sa suspek ay nakuha naman ng head nurse mula sa bulsa nito ang pitong sachet ng hinihinalang shabu.

Kapwa nasa punerarya na ang labi ng dalawang dating pulis na sasailalim sa post mortem examination.

(Ghadzs Rodelas – Eagle News Correspondent, Batangas City)