2 armadong carnapper patay sa engkuwentro sa Cabuyao, Laguna; dalawa pa nakatakas

Ang pinangyarihan ng krimen kung saan napatay ang dalawang carnnaper na sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala /Willson Palima/Eagle News Service/

CABUYAO, Laguna (Eagle News) – Nauwi sa engkwentro ang isinagawang pagtugis sa dalawang hinihinalang carnapper makaraang agawin ng mga ito diumano ang motorsiklo ng isang rider sa Barangay San Isidro pagkatapos na magpakilalang mga pulis..

Nangyari diumano ang krimen noong Linggo, Mayo 20, bandang 4:20 ng madaling araw.

Batay sa imbestigasyon, pinahinto ng apat na kalalakihan ang biktima na isang security guard.

Ang dalawa sa apat ay nagpakilalang pulis at hinahanapan ng kaukulang papeles subalit ang naturang biktima ay nagduda dahil nakasibilyan at armado pa ang mga ito.

Pagkatapos tangayin ang motorsiklo ay nagpapaputok ang mga suspek ng baril paitaas at mabilis na tumakas.

Agad namanng isinumbong sa nagpapatrolyang mobile car ang nangyari.

Natiyempuhan ng mga pulis ang mga suspek sa Snake Road, Brgy. San Isidro, subalit nang harangin ang mga suspek ay nagpaputok ang mga ito.

Nagkaroon ng palitan ng putok na nauwi sa pagkamatay ng dalawang armadong suspek.

Narekober sa mga suspek ang dalawang kalibreng .38 na baril at ang gamit nilang nakaw na motorsiklo na Yamaha Mio Sporty 115 na kulay itim.

Hindi pa rin matukoy sa kasalukuyan ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na ang mga labi ay nasa isang funeral parlor ng nasabing lungsod.

Patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis sa dalawang nakatakas.Willson Palima