2 arestado sa Laguna dahil sa paggawa, pagbenta ng mga candy na may halong marijuana

 

SAN PEDRO, Laguna (Eagle News) — Arestado ang dalawang lalaki na umano’y gumagawa ng mga candy na may halong marijuana at ibinebenta sa mga paaralan at unibersidad sa San Pedro City, Laguna, kamakailan.

Kinilala ang mga suspek na sina Bobby Albert Bobcock, 32, isang Filipino-American, at Jan Allen Ledesma, 23.

Naaresto ang mga suspek sa isang raid na isinagawa ng mga otoridad sa isang maliit na apartment sa Park Spring Village, Brgy. San Antonio.

Nadiskubre ng mga otoridad na armado ng search warrant ang isang maliit na kuwarto na may oven, baking molds, glass at wooden pipes, at marijuana seeds sa apartment.

Inihahalo umano ng mga suspek ang mga naturang marijuana bricks sa tsokolate o gelatin at ginagawang candy ang mga ito.

Ayon sa pulisya, ibinebenta ang mga naturang marijuana-stuffed candy sa mga eskwelahan.

(Willson Palima – Eagle News Correspondent)