2 alternatibong ruta patungong Benguet at Baguio City, binuksan ng DPWH

(Eagle News) — Binuksan na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang dalawang alternatibong ruta para sa mga motorista na magtutungo sa Benguet at Baguio City.

Pinasinayaan ng DPWH ang Aringay-Tubao Alternate Road at Anduyan Bridge sa La Union.

Sa labing-apat na kilometrong Aringay-Tubao na ruta ay mababawasan ang oras ng biyahe mula La Union patungong Benguet mula dalawang oras hanggang tatlumpu’t limang minuto.

Mababawasan din ng isang oras ang biyahe mula La Union patungong Baguio City mula sa dating dalawang oras at dalawampu’t limang minuto.

Samantala, sa Anduyan Bridge ay inaasahan na maiibsan ang trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway lalo at sarado pa rin sa mga motorista ang Kennon Road na isang landslide-prone.