11 kabataan huli sa aktong gumagamit ng marijuana sa Maynila

(Eagle News) — Labing isang kabataan ang nasakote ng mga mga pulis matapos mahuling gumagamit ng marijuana sa Maynila, Huwebes ng gabi.

Walo sa mga nahuli ay mga menor de edad pa, habang ang tatlo naman dito ay nasa hustong gulang na.

Ayon sa ulat, nakita  ng mga awtoridad sa CCTV ang kumpol-kumpol na mga kabataan sa isang footbridge sa Lacson Ave. sa panulukan ng Sampaloc, sakop ng Barangay 435, Zone 44.

Nang puntahan umano ng mga pulis ang lugar upang alamin kung ano ang ginagawa ng mga nagkukumpulan sa lugar  ay agad naman nagpulasan ang mga ito.

Narekober ng mga pulis ang isang plastic na hinihinalang may marijuana, dalawang tube at isang lighter.

Mahaharap ang tatlong suspek na nasa hustong gulang na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang ang walong menor de edad ay dadalhin sa Department of Social Welfare and Development.